Magiging ganap na batas ang panukalang bibigyan ng cash gift ang senior citizens na mula 80-90 anyos kapag nilagdaan na ito ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr.
Ayon kay Senate President Juan Miguel Zubiri, naipadala na ng Senado sa Malakanyang ang kopya ng panukalang batas at hinihintay na lamang ang paglagda ng Pangulo.
Sa ilalim nang pinalawak na Centenarian Act of 2016 (CA 2016), tatanggap ang seniors ng halagang ₱10,000 kapag tumuntong sila sa edad na 80, 85, 90 at 95. Pero yaon lamang aabot sa edad na 100 ang makatatanggap ng cash gift na ₱100,000.
Mayroon ding isang sulat mula sa Pangulo na babati sa isang senior na umabot sa edad 100.
Bukod sa CA 2016, mayroong 29 pang panukalang batas ang aprubado ng Kamara at Senado na kailangang na lamang ng lagda ng Pangulo upang maging isang ganap na batas.
Kabilang sa mga panukalang ito ang Magna Carta for Filipino Seafarer, pagbabawal sa no- exam, no-permit policy ng mga paaralan at pamantasan, at panukala para sa pagbuhay sa industriya ng asin.
Samantala, kinondena ni Zubiri ang labis-labis na karahasan ng mga terorista laban sa mga inosenteng sibilyan sa digmaan sa pagitan ng Israel at Hamas.
Nakalulungkot daw ang patuloy na bihag ang mga inosenteng sibilyan na hinostage ng Hamas sa unang araw pa lamang ng conflict.
“Neither freedom nor justice can truly be won through this kind of violence,” pagtatapos ni Zubiri.