Kulungan ang bagsak ng isang obrero matapos malambat sa ikinasang buy bust operation at makuhanan ng P102,000 halaga ng shabu, Linggo ng madaling araw sa Pasig City.
Kinilala ni Pasig City Police Chief Celerino Sacro, Jr. ang suspek na si alyas Ambo, 37-anyos, construction worker at residente ng Brgy. Rosario, Pasig City na kinasuhan ng paglabag sa Sections 5 at 11 Art. II ng R.A. No. 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.
Ayon sa report, naganap ang buy bust operation bandang 3:40 Linggo ngadaling araw sa Market Avenue, Brgy. Palatiw, Pasig City nang makipagtransaksyon ang isa sa tauhan ng Station Drug Enforcement Unit at Pasig City Anti-Drug Abuse Office (PCADAO) para makabili ng droga sa suspek.
Agad na hinuli ang suspek matapos ang palitan ng droga na kung saan ay nakumpiska ang tatlong sealed transparent plastic sachet na naglalaman ng 15 gramo ng shabu na nagkakahalaga ng P102,000.00, isang black pouch at buy-bust money.
Dinala ang mga nakumpiskang ebidensya sa EPD-Forensic Unit sa Mandaluyong City para sa drug test at laboratory examination.
Kasalukuyang nakakulong ang suspek sa Pasig custodial facility habang hinihintay ang pagdinig sa kaso.