Umabot na sa 513 drug users at pusher ang naaresto ng pinagsanib na puwersa ng Quezon City Police District (QCPD) na kung saan aabot sa P16,864,863.60 halaga ng illegal drugs ang nasabat sa buy-bust operations na isinagawa noong September 1 hanggang October 26, 2023.
Ayon kay QCPD Director PBGen. Redrico A Maranan, naging matagumpay ang kampanya kontra illegal na droga dahil na rin sa pagkakahuli sa 513 katao na pawang mga drug users at pushers.
Giit pa ni Maranan na nasa 304 anti-drug operations ang naganap mula sa iba’t-ibang police stations na nagresulta ng pagkakakumpiska sa 2,130.66 gramo ng shabu, nasa 18,228.13 gramo ng marijuana, at 135 gramo ng Kush o high-grade marijuana.
Nabatid na ang Novaliches Police Station (PS 4) sa ilalim ni PLtCol. Jerry Castillo ang nanguna sa paghuli sa 48 drug personalities at nakakuha ng mahigit P2,684,000 halaga ng droga, kasunod ang drug ops ng District Drug Enforcement Unit (DDEU) sa pamamahala ni officer-in-charge PMaj. Wennie Ann Cale na nakahuli ng pitong drug peddlers at nasa P2,194,000.00 halaga ng shabu at marijuana ang nakumpiska.
“Lubos akong nagpapasalamat sa mga taga-Lungsod Quezon na sumusuporta sa ating pagsusumikap laban sa ilegal na droga. Ang mga impormasyong kanilang ibinabahagi sa aming tanggapan ay nagbibigay ng malaking kontribusyon sa aming layunin na mapanatili ang kapayapaan at kaligtasan ng ating komunidad.” ayon kay PBGen. Maranan na binigyang parangal ang QCPD Station Commanders.