MAGSASANIB na ba ang San Miguel Corporation at Metro Pacific?
Hindi pa po. Ito ay dahil sumosyo lamang si San Miguel Corp. president and CEO Ramon Ang
sa kumpanya ni Manny Pangilinan na Metro Pacific Investments Corp. Naglagak siya ng P150
bilyong puhunan.
Sa kanyang filing ng stocks nitong Lunes, sinabi ng SMC na ang bilyonaryong si Ang ay
naihalal bilang miyembro ng Metro Pacific board of directors nitong Oktubre 17.
“We advise that Mr. Ramon S. Ang, president and chief executive officer of San Miguel Corp.,
in his personal capacity and on the invitation of Mr. Manuel V. Pangilinan, made an indirect
investment in Metro Pacific Investments Corp,” ayon sa kumpanya.
Nilinaw ng San Miguel na hindi ito kasama sa transaksyon. Hindi rin nagbigay si Ang ng iba
pang detalye katulad ng laki ng kanyang investment at kung sino ang nagbenta sa kanya ng
shares of stocks.
Ang San Miguel ay isang conglomerate na may negosyo sa pagkain, inumin, kuryente, at
infrastructure. Pareho ang San Miguel at Metro Pacific bilang ang pinakamalalaking toll
operators sa bansa, sa pamamagitan ng network ng expressways na makikita sa Metro Manila at
iba pang bahagi ng Luzon.
Si Ang ay isa lamang sa mga tycoon na nasa itaas ng Metro Pacific. Malaking bahagi rin nito
ay pagmamay-ari ng Indonesian na si Anthoni Salim, Pangilinan, at ang GT Capital Holdings ng pamilya Ty. Shareholders din ang Japanese company na Mitsui at ang GSIS ng ating gobyerno.