SINABI ni Atty. J. Kieth Nieto, municipal administrator ng Cainta, Rizal na dinagdagan na
niya ang pabuya mula sa P150,000 na naging P200,000 kung sino man ang impormante na
makapagsusumbong sa nagnakaw ng iPhone ng isang basketball player nitong Huwebes.
Matatandaang nanonood si Nieto ng inter-department basketball league sa One Cainta Arena
nitong Huwebes, na may taong gustong magpa-picture kasama siya at si Vice-Mayor Ace
Serbillon, nag-volunteer daw ang suspek para gawin ito. Yumuko daw ito sa harap ng upuan ng
mga player at may nakakita sa kanya nang kunin ang iPhone.
Pero, tuloy daw na hiniling ng suspek ang cellphone ng taong gustong magpa-picture, para hindi siya mahalata, pero nasa kamay na raw niya ang iPhone at mabilis na naitago.
Dahil sa laki nang pabuya, inaaasahang lulutang ang ilang testigo para maidiin ang taong
nagnakaw ng iPhone.
Nilinaw ni Nieto na pwede naman niyang palitan ang iPhone mula sa personal niyang pondo,
pero ginawa niya ito para mapanagot ang nagnakaw at magsilbing babala sa iba pang
magnanakaw ng cellphone of masasamang-loob.
Samantala, patuloy ang paggamit ng pamahalaang bayan ng Cainta ng solar-powered street
lights. Ayon kay Nieto, umabot na sa 300 ang kanilang naipamahagi sa ilang barangay at
inaasahang madaragdagan pa ito sa mga susunod na buwan. Malaki raw ang natitipid sa
kunsumo sa kuryente dahil dito.
Tungkol naman sa One Cainta College na pinondohan at minamantine ng Cainta LGU, sinabi ni
Nieto na nag-aalok ito ng Bachelor in Technical-Vocational Teacher Education, Bachelor of
Science in Entrepreneurship, at Bachelor of Science in Information System.
Mayroon din itong non-degree programs kagaya ng Diploma in Information and
Communication Technology at Diploma in Office Management Technology, pati na rin ang
Bookkeeping NC III ng TESDA.
Para sa karagdagang impormasyon, bisitahin ang www.cainta.gov.ph/onecaintacollege.