Dahil walang nakitang mapagbebentahan sa niloobang bahay, isang coin purse na naglalaman ng ₱120 na nakalagay sa altar ang ninakaw ng isang ginang habang dahan-dahang pinasok ang bahay sa Malabon City.
Agad na inaresto ang ginang na kinilala sa alyas “Roselyn”, ng Cadornica St. Brgy. Monroy, Navotas City makaraang ireklamo ni Angelika Fetalvero, 42-anyos na nanloob sa kanyang bahay sa Mallari St., Brgy. San Agustin.
Sa ulat nina P/SSg Ernie Baroy at PSSg. Bengie Nalogoc kay Malabon police chief P/Col. Jay Baybayan, abala sa paglalaba sa loob ng kanyang bahay si Fetalvero nang pumasok sa loob ng bahay bandang 11:20 ng tanghali.
Ayon sa biktima, posibleng walang nakitang mananakaw ang suspek kaya tinalo ang coin purse na may laman P120 na nakalagay sa ibabaw ng altar.
Nang palabas na ng banyo ang biktima ay nakita niya ang suspek na nagmamadaling lumabas na naging dahilan upang magsisigaw siya na nagresulta sa pagkakadakip sa ginang.
Nabawi ng mga nagrespondeng tauhan ng Malabon Police Sub-Station 6 sa suspek ang ninakaw na coin purse at isang patalim na gagamiting ebidensiya laban sa kanya sa pagsasampa ng kasong pagnanakaw at paglabag sa BP-6 o illegal possession of deadly weapon sa piskalya ng Malabon.