Nasakote ng tauhan ng Quezon City Police District (QCPD) Anonas Police Station 9 (PS-9) ang isang menor de edad na may asuntong No. 1 Municipal Level Most Wanted Person sa Lugait, Misamis Oriental matapos hainan ng Warrant of Arrest, kamakalawa sa Barangay San Vicente, Quezon City.
Nakilala ang akusado na si Owen Kian Falabrica, 19-anyos, residente ng Lourdes St., Brgy. San Vicente, Quezon City na may pending Warrant of Arrest sa kasong Rape na inisyu ni Hon. Jamel Tabao Mamutuk, Presiding Judge ng Branch 44, Regional Trial Court (RTC), 10th Judicial Region, Initao, Misamis Oriental, ang nahuli ng mga tauhan ng Anonas Police Station (PS 9).
Ayon kay PLTCol. Ferdinand Casiano, hepe ng PS-9, inaresto ang suspek bandang 5:00 Huwebes ng hapon sa Brgy. San Vicente, Quezon City matapos ang pinaigting na manhunt investigation laban sa suspek.
Kasaluluyang nakakulong ang menor de edad na suspek sa PS-9 detention cell habang inihahanda ang mga kaukulang dokumento ng paglilipat sa kanya sa Misamis Oriental.
Samantala, pinarangalan naman ni QCPD Director, PBGen. Redrico A Maranan ang mga tauhan ng PS-9 sa paghuli sa suspek.
“Ipagpatuloy nating tugisin ang mga nagkakasala sa batas upang hindi na ulit sila makagawa ng masama. Sa ating mga kababayan, makipag ugnayan po agad sa ating kapulisan kung mayroong kahina hinala sa inyong lugar”, ayon kay PBGen. Maranan