Dinumog ng mga job seekers partikular na ng mga newly graduates ang inalaang 3,733 trabaho sa idinaos na Job Fair sa SM Grand Central sa Caloocan City.
Mula sa pakikipag-ugnayan ng SM Grand Central sa Caloocan City Public Employment Service Office (PESO) at Department of Labor and Employment (DOLE), nasa 41 malalaking kumpanya ang kasali sa job fair na tulad ng Shipping Center Management Corp. Jac Liner, D’Jobsite General Services Inc., Capitol Steel Corp., Goldilocks Bakeshop Inc., Concentrix, Great Image Services Corp., Abenson Ventures Inc., Ace Hardware Inc, Waltermart Supermarket, International Toy World at iba pa.
Tinitiyak ni Rey Sanglay, DOLE Supervising labor head sa Caloocan, na maraming unemployed ang magkakaroon na ng trabaho dahil sa pagsali ng 41 kumpanya na handang magbigay ng trabaho.
Nabatid na sa pagbubukas ng Job Fair bandang 10:00 Biyernes ng umaga ay may tatlo na agad na maagang aplikante ang na-hire on the spot na binigyan ng pagkakataon na makapagtrabaho sa Goldilocks, Lay Bare Waxing Philippines Inc. at Binondo Food Corp.
Bukas ang fair para sa mga job seekers na may background o wala, basta magdala lamang ng resume at mga requirements para sa mabilis na proseso ng papeles.
Bukod sa Job Fair, nag-offer din ang SM Grand Central ng NBI clearance, SSS membership, community tax certificate, police clearance at PhilHealth membership para sa mga pangunahing kailangan sa paghahanap ng trabaho.