Nagsasagawa ngayon ng masusing imbestigasyon ang Quezon City Police District (QCPD) at Cubao Police Station (PS 7) kaugnay sw naganap na panloloob ng dalawang lalaki sa tatlong malalaking establisimento sa loob ng Puregold Cubao Branch at makuhanan ng aabot sa P270,000.00 halaga ang nakulimbat sa panloloob noong Huwebes ng madaling araw sa Quezon City.
Ayon kay PS 7 head PLtCol. Mark Janis Ballesteros, naganap ang pagnanakaw sa loob ng Puregold Supermarket, Araneta Center Branch, Quezon City noong Huwebes, September 7, 2023 na kung saan halos lahat ng establisimento ay pinasok ng mga suspek.
Salaysay ni Kristine Villaceran, branch manager ng Puregold, maaga siyang nagsagawa ng inspeksyon sa branch bandang 6:30 ng umaga nang mapansin ang kahina-hinalang butas sa kisame kaya agad na ini-report sa PS 7 ang pangyayari at doon na natuklasan na nilooban ang Puregold.
Base sa nakita sa CCTV footage, dalawang suspek na nakasuot ng puting lab gowns ang nakitang pumasok at nakalabas sa butas mula sa bubungan ng establisimento.
Unang pinasok ang Mang Inasal bandang 11:00 ng gabi at ayon sa management nito ay nakuha ang P152,000.00 cash na nakalagay sa drawer.
Sa pag-aaral pa sa CCTV, sinunod na pinasok ang S & R New York Pizza at Princess Cut Jewelry Shop, subalit wala umanong nawala sa kanila.
Bandang 2:01 ng madaling araw ay pinasok naman ng mga magnanakaw ang MR. DIY at nakuha ang store sales na aabot sa P93,000.00 at nagnakaw pa ng ilang hardware tools.
Pinasok din umano ang Cebuana Lhuillier at Metro Bank ATM pero walang nakuha.
Huling pinasok ang Puregold Cash Finance department at nakakuha ang P5,000.00 na pondo.