Nahuli na ang utak sa paghahagis ng Molotov bomb noon September 23 sa open parking area ng NAIA Terminal 3 kung saan tatlong sasakyan ang nadamay sa pagsabog sa Terminal 3, Pasay City.
Ayon kay APCapt. Froilan Sanchez, hepe ng Terminal 3 MIAA Terminal Police Section (MIAA T3-TPS), nakilala ang suspek na si Renieldo Dela Peña Perez, alyas “Bolayog, dating taxi driver.
Nalambat ang suspek matapos na may lumapit na informat sa T3- Terminal Police Station Office at itinuro ang suspek kaya naman agad na ikinasa ang follow up operation para mahuli ang suspek.
Natiyempuhan ang suspek ng mga nakaabang na Airport Police sa open parking area ng terminal 3 at doon na dinala sa tanggapan ng Terminal Police Station.
Inamin naman ng suspek na siya ang naghagis ng Molotov bomb dahil sa galit niya sa ginawang paghihigpit ng Airport Police sa mga transport operation.
Inamin din ni Bolayog na nilagyan niya ng gasolina ang isang bote ng energy drink at nilagyan ng tela bago sinindihan at inihagis sa parking area ng terminal 3.
Sa ngayon ay nakakulong na ang suspek sa Pasay City Jail at sinampahan ng kasong Attempted Arson at Alarm and Scandal na isinampa noong October 6 sa sala ni Assistant Chief Prosecutor Clarence Español ng Pasay Prosecutors Office
