Isang masuwerteng mananayang taga-Las Piñas City, Metro Manila ang nakadale sa Grand Lotto 6/55 jackpot prize na P111,039,686.00 na ni-raffle Lunes ng gabi sa Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) main office sa Mandaluyong City.
Sa report na inilabas ng pamunuan ng PCSO, nadale ng nag-iisang masuwerteng mananaya na bumili ng lotto ticket sa BFRV, Las Piñas City ang winning combination 55 – 50 – 06 – 45 – 12 – 40 ng Grand Lotto 6/55.
Mayroong 16 mananaya naman ang nanalo ng 2nd prize na P100,000.00, may 970 katao ang nakakuha ng P1,500.00 at nasa 18,658 players ang nanalo ng P60.00.
Maaaring makuha ng winner ang kanyang checke sa PCSO main office sa Mandaluyong City at magpakita lamang ng dalawang valid ID at nanalong lotto ticket.
Ang mga sosobra sa P10,000 na Lotto winnings ay mayroong 20-percent tax sa ilalim ng Tax Reform for Acceleration and Inclusion law.
Paalala ng PCSO na ingatan ang mga winning lotto tickets at ang mga premyong hindi pa nakukuha sa loob ng isang taon ay maaaring ma-forfeit.
Abangan sa Miyerkules ang susunod na bola ng Grand Lotto 6/55 na aabot sa P29.7 million pesos.