Sumuko na ang isa pang maangas sa baril matapos kumalat sa social media ang ginawang panunutok at pananakot sa isang motorcycle rider na isa palang pulis nang magkagitgitan na kalsada at sitahin sa dalang baril habang binabaybay ang kahabaan ng Osmeña Highway, Barangay Pio Del Pilar, Makati City.
Sa report na nakalap mula sa tanggapan ni Southern Police District (SPD) Director PBGen. Roderick Mariano, kusang sumuko ang akusado na si Angelito Rencio y Velasquez bandang 7:45 Huwebes ng gabi (August 31) sa Makati City Police Station.
Si Rencio ang suspek sa isa pang road rage na naganap noong August 25 sa kahabaan ng Osmeña Highway, na kung saan nag-viral sa social media ang naganap na road rage at pananakit nito sa isang motorista na isa palang pulis na si Police Staff Sergeant Marsan Dolipas.
Ayon sa report, nakita ni Rencio si Dolipas na may nakasukbit na baril sa baywang kaya sinita niya ito na kung saan nagkaroon ng panunutok ng baril sa dalawang panig na kung saan nagpakilalang miyembro ng AFP si Rencio habang hindi nito inakala na pulis pala ang sinitang rider.
Kinasuhan si Rencio ng paglabag sa R.A 10591 o Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act, Art. 177 o Usurpation of Authority, at Art. 151 na Resistance and Disobedience to a Person in Authority base sa Revised Penal Code na isinampa sa Makati City Prosecutor’s Office.
Ayon kay Rencio, ginawa niya ang pagsuko upang masiguro ang kanyang kaligtasan matapos ang hindi mapigilang pagkalat ng mga video sa social media at ngayon ay nakakulong na sa Makati City Police Station.
Matatandaang sinabi ni Rencio reportedly sa Makati police investigators na isa siyang retired intelligence operative ng Armed Forces of the Philippines (AFP) at nagkaroon ng balakid sa pagitan ng Makati City matapos na payagan itong umalis ng presinto na dapat sana ay iditene na dahil sa illegal na pagdadala ng baril at na-relieve naman sa serbisyo ang dalawang Makati police officers.
Nagsampa naman ng kasong usurpation of authority, illegal possession of firearms, at resisting arrest with the Makati Prosecutors Office si Dolipas.