NAGKAROON nang pinaigting na pagbabantay-presyo ang Department of Trade and Industry (DTI) sa pangunguna ni Sec. Fred Pascual sa Divisoria, Maynila, noong Agosto 17.
Matapos ilabas kamakailan ang Gabay sa Pamimili ng School Supplies ng DTI at Balik Eskwela program ng DepEd, nagsagawa ang Fair Trade Enforcement Bureau ng surpresang pagmo-monitor ng school supplies – na kinikilala bilang pangunahing bilihin – sa naturang lugar.
Sinabi ni Pascual na pinaigting nila ang price monitoring para tiyakin na ang mga establisyemento ay sumusunod sa presyo ng school supplies na inilabas ng ahensya kamakailan. Tinitiyak daw nila na hindi mabibiktima ng mga tiwaling negosyante ang mga magulang.
Sa 23 tindahan na dumaan sa DTI inspection, 22 ang sumusunod sa itinakdang presyo at isa lamang ang lumabag. Pormal na pinagpapaliwanag ng DTI ang naturang tindahan.
Idiniin ni Pascual na nagbigay na siya ng utos sa lahat ng DTI regional at provincial offices sa bansa na magsagawa nang malawakang price monitoring sa kani-kanilang nasasakupang lugar.