MARIING kinondena ni 1-Rider party-list Rep. Bonifacio Bosita ang Metropolitan Manila
Development Authority (MMDA) dahil sa inilabas na utos na hulihin ang bawat motorcycle rider
na sisilong sa ilalim ng footbridge o flyover.
Ipinaliwanag ni Bosita na para huwag mahuli at magmulta, bibilisan ng riders ang
pagpapatakbo ng motor para makaiwas sa ulan o makahanap ng ibang matitigilan.
“Mali po ang ipinatutupad ng pamunuan ng MMDA, hindi ito serbisyo kundi perhuwisyo,”
pagdiriin ng mambabatas.
Idinagdag pa niya na kailangang sumilong ang riders sa footbridge o underpass para
maiwasan nila ang pagkakasakit at maipagpatuloy ang paghahanapbuhay para sa pamilya.
“Malinaw po na hindi nauunawaan ng pamunuan ng MMDA ang problema na dapat nilang
solusyunan at nalilimutan nila na sila ay mga public servant na dapat tumugon sa mga
nangangailangan,” ayon pa sa engineer-congressman.
Hanggang sa ngayon, hindi pa nakakakita ang riders ng solusyon sa problema na ipinanukala
ng MMDA – ang paglalagay ng masisilungan o tent sa mga gasolinahan.