NAG-ALAY ng bulaklak ang Japanese Embassy at ilang Japanese companies sa puntod ni dating
Pangulong Elpidio Quirino sa Libingan ng mga Bayani noong Hulyo 13.
Ito ay bilang paggunita sa pagbibigay ni Quirino ng executive clemency sa 144 Japenese prisoners of war (PoWs) na nakakulong sa Bilibid, Muntinlupa nang matapos ang digmaan hanggang 1953.
Ibinigay ni Quirino ang executive clemency noong Hulyo 1953, sa panahong sariwa pa ang pait na
dinanas ng mga Pilipino sa pananakop ng Japan noong World War II.
Hindi naging madali ang desisyon ni Quirino dahil pinatay ng mga sundalong Hapon ang kanyang
asawang si Alicia, tatlong anak at dalawang kapamilya habang sila ay tumatakas sa Battle of Manila.
Ayon kay Japanese Ambassador Kazuhiko Koshikawa, ang executive clemency daw ni Quirino ang isa sa pinakamataas na antas ng sakripisyo sa sarili at habag sa kapwa.
Sa isang seremonya noong Huwebes, dumating ang mga inapo nina Pangulong Quirino at si Kayako Kano, inapo ni Tatsuo Kano, ang military painter na walang sawang sumulat at umapela sa Pangulong Quirino sa halos apat na taon hanggang sa mapatawad ang 144 na PoWs.
Sa bahagi ng kanyang huling sulat kay Quirino, sinabi ni Kano, “Only by the miracle of ‘forgiving the unforgivable’ can humankind achieve eternal peace, and I feel more strongly than ever that peace cannot be achieved with ‘an eye for an eye’.”
Samantala, ayon pa kay Koshikawa, (kahit nakalipas na ang 70 taon) nakadarama pa rin sila nang
labis na utang na loob sa ginawang kabutihan ni Quirino na noo’y nakini-kinita raw nito na ang
clemency ay magpapabuti ng relasyon ng dalawang bansa sa hinaharap.