UMABOT sa 175,000 kilo ng bulok, expired, at mishandled na karne ang nasabat ng mga otoridad sa isang raid na isinagawa sa Meycauwayan, Bulacan, kamakailan.
Bulok na raw ang karamihan at mapanganib kung kakainin pa ng tao, ayon kay Richard Rebong, CIIS chief, Bureau of Customs.
“Nire-repack ang mga karneng ito para ibenta at nakita n’yo ang expiration, 2021 pa,” pahayag ni
Rebong.
Sinabi pa ni Rebong na marami silang nakitang bagong karton na walang laman at walang expiration date.
Malaki ang hinala nila na na-repack na ang expired na karne at nasa mga palengke na.
“Paalala po sa mga nasa merkado o kaya doon sa mga end-user: (kung) ito po ay niluluto,
titimplahan, lalagyan ng rekado, ito po ay hindi na natin mahahalata… ‘Yun pong mga restoran lalo na ang mga nagluluto ng pares, kung gusto ninyong makamura, doon na lang po kayo sa legitimate, kailangang ito (ang karne) po ay may kasamang meat inspection report ,” pagtatapos ni Rebong.