WALO katao ang nahuli ng mga otoridad sa isinagawang anti-illegal drug operations sa iba’t ibang lugar sa Pasig City Lunes ng gabi.
Unang nahuli si Dediosalyn Mingming, alias Lyn, residente ng Barangay San Miguel sa isang buy-bust operation madaling araw ng Martes at kasama sa high value target (HVT) ng Eastern Police District (EPD).
Nakuhanan ang suspek ng tatlong pirasong heat-sealed transparent plastic sachets na naglalaman ng pinaghihinalaang shabu na humigit kumulang sa 50 gramo na may street value na ₱343,400.
Samantala, arestado rin dakong alas-11:50 ng gabi si Leo Gatmaitan, alias Brent at mga kasamahan nitong sina Vhon Irene Mulano, Reynalyn Cabrera, Carl Ryan Jabson at Camille Jhelian Valencia, na pawang mga residente rin ng nasabing barangay ng Pasig City.
Pitong pirasong heat-sealed transparent plastic sachets ang nakuha sa kanila na naglalaman ng pinaghihinalaang shabu na humigit kumulang sa 14.84 gramo at may street value na ₱100,912.
Hindi naman nakatakas dakong alas-5:30 ng hapon ang dalawang iba pa sa Barangay Manggahan ng nasabing lungsod nang ang mga ito ay nakorner ng mga otoridad sa isinagawang anti-illegal drug operation.
Nakuha kina Samuel Villandares at Jonathan Fajardo ang tatlong pirasong heat-sealed transparent plastic sachets na naglalaman ng pinaghihinalaang shabu na humigit kumulang sa 15.63 gramo na may street value na ₱106,284.
Ang walong suspek ay kasalukuyang nasa pangangalaga na ng Pasig PNP at nakakulong sa custodial facility at sinampahan na ng kasong paglabag sa Republic Act 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.