33.4 C
Manila
Monday, December 23, 2024

PBBM: Hindi gagamitin sa anumang ‘pag-atake’ ang EDCA sites

NILINAW ni Pangulong Ferdinand Marcos, Jr. na hindi niya pahihintulutan na ‘gamitin sa opensiba’ ang mga Enhanced Defense Cooperation Agreement o EDCA bases na binuksan ng Pilipinas para sa mga sundalong Amerikano.

Tiniyak ito ng pangulo kasabay ng pagsisimula ng pinakamalaking Balikatan military exercise ng Pilipinas at Estados Unidos.

Mahigit sa 17,600 military personnel—5,400 mula sa Armed Forces of the Philippines at 12,200 mula sa United States Forces—ang makikilahok sa ika-38 Balikatan exercise na nakatakda mula Abril 11 hanggang 28 sa iba’t ibang lugar ng Zambales, Aurora, Palawan, at Fort Magsaysay sa Nueva Ecija.

Makakasama nila ang 111 military personnel mula sa Australian Defense Force,  habang ang mga opisyal naman mula sa 12 bansa ang magsisilbing tagapagmasid.

Noong nakaraang linggo, inanunsyo ng Palasyo ang karagdagang mga lokasyon ng apat pang military bases maliban pa sa limang napagkasunduan sa ilalim ng 2014 EDCA.

Ngunit nagbabala ang China noong nakaraang linggo na ang pinalawak na kasunduan sa military ay maaaring maging sanhi ng panganib sa rehiyonal na kapayapaan at inakusahan ang Washington ng “zero-sum mentality”.

“Hindi namin papayagan na gamitin ang aming mga base miltar para sa anumang pagsalakay. Layunin lamang nito na tulungan ang Pilipinas kapag kailangan namin ng tulong [mula sa ibang bansa],” ani Pangulong Marcos.

BASAHIN  VP Sara, nagpasalamat sa lahat nang kumilos para mapalaya ang SMNI anchors

Natengga ang kasunduan sa ilalim ng dating Pangulong Rodrigo Duterte, na pumabor sa mas malapit na ugnayan sa China.

Ngunit mas pinili ni Marcos na maging malapit sa US bilang bahagi ng kaniyang foreign policy pinaigtingin pa ang pagpapatupad ng EDCA.

Nanindigan ang Pangulo na hindi niya papayagan na maliitin ng China and karapatan ng Pilipinas sa karagatan.

Samantala, sinabi ng tagapagsalita ng AFP na si Col. Medel Aguilar na isang taon ang paghahanda bago isagawa ang pagsasanay sa mga sundalo sa Balikatan.

Kasama sa mga pagsasanay ang seguridad sa dagat, amphibious operations, live-fire training, urban at aviation operations, cyber defense, counterterrorism, pati na rin ang humanitarian assistance at disaster relief.

Sinabi naman ng tagapagsalita ng Balikatan 2023 na si Col. Michael Logico na ito ang unang pagkakataon na makikilahok ang AFP at mga puwersa ng US sa live-fire drills sa dagat.

Ang Balikatan exercise ay ginaganap sa gitna ng lulamalalang tensyon sa territorial dispute sa pagitan ng Manila at Beijing.

Binalaan ng China ang bansa na ito ay maaaring magdulot ng “potential conflict” matapos na matukoy ang mga bagong EDCA site sa Pilipinas.

BASAHIN  6 na Pilipino, ligtas sa Prague shooting

Ang mga bagong EDCA sites ay ang Naval Base Camilo Osias sa Sta Ana, Cagayan; Lal-lo Airport sa Lal-lo, Cagayan; Camp Melchor Dela Cruz sa Gamu, Isabela; at Balabac Island sa Palawan.

Ang limang kasalakuyang lokasyon ng EDCA ay ang Antonio Bautista Air Base sa Palawan, Basa Air Base sa Pampanga, Fort Magsaysay sa Nueva Ecija, Mactan-Benito Ebuen Air Base sa Cebu, at Lumbia Air Base sa Cagayan de Oro City.

Ito ay may karagdagang ulat mula kay Patricia Ann Guevarra Ansing (Intern)

About Author

IBA PANG MGA BALITA

Stay Connected

830,000FansLike
50FollowersFollow
78,000SubscribersSubscribe

KARAGDAGANG MGA BALITA