INUTSAN na ni Pangulong Ferdinand Marcos, Jr. ang Department of Budget and Management (DBM) na ilabas na ang halos ₱43 bilyong badyet para ilaan sa health insurance ng mahigit sa 8.5 milyong senior citizen sa buong bansa.
Kaagad namang inaprubahan ni DBM Secretary Amenah Pangandaman ang paglalabas ng kabuuang ₱42,931,355,000 para ibayad sa health insurance premium sa kuwalipikadong mga senior citizen.
“Sa simula pa lamang iniutos na ni Pangulong BBM at ito’y upang maging hayagan sa lahat—na sisiguraduhin ng pamahalaan na suportado nito ang kapakanan ng mga senior citizen,” ayon pa kay Pangandaman.
“Ang mga may-edad nating kababayan ay mananatiling mahalaga sa ating lipunan kung saan sila rin noon ay nakapag-ambag ng malaki upang mapabuti ang buhay sa bawat komunidad. Dapat lamang na patuloy nating tulungan ang ating mga lolo at mga lola na manatiling malakas at malusog,” dagdag pa ng Kalihim.
Sinabi pa ng ahensya na may kabuuang ₱79 bilyon ang inilaan upang punan ang bayarin sa health insurance, kasama na ang mga senior citizen para sa taunang badyet ng bansa ngayong 2023.
Sa ilalim ng Republic Act No. 10645 o ang Expanded Senior Citizens Act of 2010, lahat ng senior citizen ay kailangang maging sakop na ng National Health Insurance Program (NHIP) ng Philippine Health Isnurance Corporation o PhilHealth.
Tiniyak pa ng DBM na may mapagkukunan pang kainakailangang pondo para maisama rin ang iba pang senior citizen na naunang hindi naisama sa sa kasalukuyang kategorya at ang perang ito ay magmumula sa Republic Act No. 10351 or the Sin Tax Law.