PANGALAWANG araw na ng isinasagawang week-long strike ng mga tsuper ng jeep ngunit mayroon pa rin na mangilan-ngilan ang pinili na bumiyahe partikular na sa lungsod ng Marikina.
Matatandaan na sa ilalim ng Public Utility Vehicle Modernization Program (PUVMP) ay nakatakdang iphase out ang mga lumang modelo ng mga jeep at papalitan ng mga modernong disenyo o mga e-jeepney na siya namang inalmahan ng mga tsuper.
Ayon sa jeepney driver na si Henry, driver/operator bagama’t tutol sila sa pag phaseout ng kanilang mga jeepney, hindi nila magawang sumunod sa pinatutupad na strike dahil marami aniya ang magugutom na pamilya ng mga driver.
Dagdag pa ni Jun, driver/operator na tuloy-tuloy ang pasada ng ilang driver katulad noong unang araw ng strike ngunit kung ikukumpara sa noong unang araw, mas marami ang sumakay na pasahero ngayong ikalawang araw.
Binanggit pa ng dalawa na sa una at pangalawang araw ng isinasagawang isang linggong jeepney stike ay hindi naman lahat ng jeepney driver sa Lungsod ng Marikina ay nakiisa, ang ilan ay piniling pa ring mamasada.
May mga bumiyahe man, nahirapan pa rin ang ilang komyuter na bumiyahe patungo sa kani-kanilang trabaho at destinasyon dahil kakaunti lang ang mga pumasadang jeepney.
Inaasahan naman na madadagdagan pa ang mga bumibyaheng jeepney drivers sa mga susunod na araw sa kabila ng isang linggong jeepney strike.