TATLO katao ang arestado matapos makipaghabulan sa mga otoridad sa isinagawang buy-bust operations ng Cainta Municipal Police Station bandang ala-1:40 ng hapon, Nobyembre 16, 2024 sa Q Plaza Mall Barangay San Isidro, Cainta, Rizal.
Kinilala ni PCol. Felipe Maraggun, Provincial Director, ang mga nahuli na sina alyas “Pogi,” 37-anyos, nakatira sa Canita, Rizal, alyas “Rizal,” 34-anyos, nakatira sa Taytay, Rizal na parehong itinuturing na mga High-Value Individual (HVI), at isang alyas “Rizza,” 30-anyos, na residente naman ng Marikina, City.
Ayon sa report ng Cainta PNP, nagawa pa umanong makipaghabulan sa mga otoridad ang mga suspek ngunit agad ding naaresto at matagumpay na makumpiska ang 8 sachet ng hinihinalang shabu, kabilang ang buy-bust item na may timbang na 25 gramo at nagkakahalaga ng tinatayang Php170,000.00.
Maliban sa ipinagbabawal na gamot, nasamsam din ang P2,000 drug money, P1,500 marked money, isang coin purse, isang calibre 9mm pistol na may apat na bala na nakumpiska naman mula kay alyas Pogi, at isang unit ng motorsiklo.
Ayon kay Maraggun, resulta ito ng mas pinaigtigting nilang kampanya kontra ilegal na droga ng Rizal PNP, at nagbigay babala sa mga nagbabalak gumawa ng ilegal na gawain na huwag ng ituloy dahil hindi sila hihinto upang manghuli.
Ang tatlong suspek ay kasalukuyang nakapiit sa Cainta Custodial Facility at nahaharap sa mga kasong paglabag sa Republic Act 9165 o ang Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002, at Republic Act 10591 o ang Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act.