PASADO alas-10 ngayong gabi, hindi na ma-access kapuwa ang Messenger at Facebook na parehong pagmamay-ari ng Meta, Inc.
Kapansin-pansin na sa Viber na nagpapadala ng mensahe ang naapektuhan ng aberya ng nasabing messaging app at social media company.
Habang isinusulat ang balitang ito ay wala pang opisyal na pahayag ang Meta, Inc. kung bakit off-line ang Messenger at Facebook.
Ayon sa huling impormasyon, worldwide outage umano ang nangyari matapos ang sunod-sunod na reklamo ng mga users gamit ang ibang messaging app.
Ayon sa mga nakaranas, awtomatiko umanong nagla-log out ang Messenger at hindi na makalog-in kahit pa ulit-ulitin o refresh ito.
Maliban sa mobile, hindi rin ma-access ang Messenger sa desktop app ngunit kapansin-pansin na ang iba pang pag-aari ng Meta Inc. na Instagram at WhatsApp ay hindi apektado at patuloy na naka-online.
Sinabi naman ng iba pang users na may lumilitaw umanong mensahe na ‘an unexpected error occured’ o kaya ay ‘something went wrong’ na nagpapahiwatig na inaayos ito ng kumpanya.

