UPANG palakasin ang paraan ng pagpapatunay ng pagkakakilanlan ng mga gumagamit sa digital platform, inilunsad ng Technical Education and Skills Development Authority (TESDA) ang bagong electronic Know-Your-Customer (eKYC) feature sa TESDA Skills Passport (TSP) nito.
Binibigyang-daan ng eKYC feature ang mga user na patunayan ang kanilang pagkakakilanlan sa pamamagitan ng iba’t ibang security options.
Maaari nilang itugma ang kanilang personal na impormasyon sa PhilSys na may kasamang liveness check, o mag-verify gamit ang kanilang National ID number o QR code.
Tinatanggap din ng sistema ang iba pang alternatibong ID na inisyu ng pamahalaan, kabilang ang Passport, Driver’s License, SSS ID, GSIS eCard, UMID, Postal ID, Voter’s ID, at PhilHealth ID.
Layunin nito na gawing mas ligtas at mas madaling ma-access ang proof of identity, upang mas maraming Pilipino ang ligtas na makabuo ng isang beripikadong digital identity sa pamamagitan ng kanilang skills profile.
Sinabi ni TESDA Secretary Kiko Benitez na ang pinalakas na proseso ng beripikasyon ay nagpapatibay sa papel ng platform bilang isang pinagkakatiwalaan at ligtas na imbakan ng mga kasanayan, kwalipikasyon, sertipikasyon, at rekord ng pagsasanay ng mga mag-aaral.
“Ang TESDA Skills Passport ay nagbibigay-kapangyarihan sa mga Pilipino na pamahalaan ang kanilang kasanayan. Nagbibigay ito ng digital identity na makatutulong sa mga mag-aaral at manggagawa na maipamalas ang kanilang mga kakayahan, makakuha ng mga oportunidad, at magkaroon ng mas mabilis na koneksyon sa mga serbisyo sa trabaho at pagsasanay,” pahayag ni Sec. Kiko.
Mula nang simulant ang eKYC, tumaas na ang bilang ng gumagamit patuloy na pagtangkilik sa Skills Passport sa buong bansa.
Ayon sa pinakahuling datos, nakapagtala na ang platform ng kabuuang 243,899 downloads—194,655 sa mga Android device at 49,244 sa iOS—kasama na ang 179,284 rehistradong user.
Sa pamamagitan ng mobile application, ang mga beripikadong user ay makakakuha ng access sa mga oportunidad sa pagsasanay, impormasyon sa scholarship, mga listahan ng trabaho, at iba pang mga serbisyo ng TESDA.
“Sa pamamagitan ng TESDA Skills Passport, pinadadali natin para sa mga Pilipino ang pagbuo ng kanilang karera sa pamamagitan ng tech-voc, pag-access sa mga oportunidad, at pagdodokumento ng kanilang mga kakayahan. Hinihikayat ko ang lahat ng mag-aaral, manggagawa, at naghahanap ng trabaho na i-download ang app sa kanilang mga smartphone upang agad nilang maiangat ang kanilang mga karera,” dagdag pa ng Kalihim.
Bukod sa eKYC, nakipagtulungan din ang TESDA sa Wadhwani Foundation upang isama ang My Career Advisor—isang AI-powered career companion—sa Skills Passport.
Nagbibigay ang tool na ito ng personalized na gabay sa karera at nagrerekomenda ng mga magkakahalintulad na oportunidad sa pagsasanay batay sa mga kasanayan, interes, at layunin sa karera ng user.
Maikokonekta na rin ngayon ang Skills Passport sa mga programa ng scholarship at iba pang serbisyo para sa mga mag-aaral bilang bahagi ng mas malawak na pagsisikap sa digital transformation, na naglalayong gawing isang tuluy-tuloy na ekosistema ang platform na nag-uugnay sa pagsasanay, assessment, sertipikasyon, scholarship, at trabaho.
Ngayong nakatutok na ang eKYC feature, hinihikayat ng TESDA ang mas marami pang trainee, graduate, jobseeker, at mga stakeholder sa industriya na i-download ang TESDA Skills Passport, i-verify ang kanilang mga profile, at sulitin ang lumalawak na mga feature nito.
Ang TESDA Skills Passport ay maaaring i-download sa parehong Android at iOS devices.

