MISTULANG poste at hindi na nakapalag pa nang maaresto ng mga operatiba ng Marikina City Police Station ang isang 48-anyos na lalaki matapos nitong gahasain ang isang estudyante sa loob ng comfort room ng gasolinahan bandang alas-10 ng gabi noong Hulyo 8, 2025.
Ayon sa natanggap na report ni PBGen. Aden Lagradante, director ng Eastern Police District (EPD), kinilala ang suspek na si alyas “Joy” at residente ng Brgy. Tumana ng nasabing lungsod.
Sa inisyal na imbestigasyon, gumamit ng comfort room ang biktimang menor-de-edad na estudyante para sa personal na pangangailangan nito sa isang gasolinahan na matatagpuan sa Brgy. Concepcion Uno.
Dahil dis-oras na ng gabi kung kaya nakakita ng pagkakataon ang suspek upang isagawa ang makamundong pagnanasa nito at puwersahang pumasok at ginahasa ang biktima.
Matapos ang insidente, binigyan umano ng P150 ng suspek ang biktima at kaagad na umalis.
Nagkataon naman na nagsasagawa ng pagbisita sa mga business establishment sa naturang lugar ang mga pulis kung kaya naiulat agad ng biktima ang nangyari sa kaniya.
Kaagad na nagsagawa ng follow-up operation ang mga awtoridad at naaresto ang suspek sa pakikipagtulungan ng Women and Children Protection Desk (WCPD), Marikina PNP at ang tagapag-alaga ng biktima.
Nakakulong ngayon si alyas “Joy” sa custodial facility ng Marikina PNP habang hinihintay ang commitment order mula sa korte na nag-isyu ng warrant of arrest.