
NAGKASUNDO ang Presidential Commission for the Urban Poor–Field Operations Division for Mindanao (PCUP-FODM) kasama ang Confederation of Zamboanga City Homeowners Association Inc. sa pamamagitan ng paglagda sa isang Memorandum of Agreement (MOA) upang maibaba ng pamahalaang nasyunal ang mga serbisyo nito para sa mga maralitang taga-lungsod.
Layunin din ng nasabing kasunduan na mapalawak ang suporta sa mga maralitang tagalungsod at isulong ang inklusibong kaunlaran.
Kasama rin sa kasunduan ang Technical Education and Skills Development Authority (TESDA) Region 9, Social Housing Finance Corporation (SHFC) at ang Department of Human Settlements and Urban Development (DHSUD) Region 9.
Ginanap ang MOA signing noong ika-28 ng Marso, 2025 sa Philippine Red Cross Conference Room, Zamboanga City, Zamboanga del Sur.
Nilagdaan ang kasunduan nina Dir. Tarhata S. Mapandi, CESO III – Regional Director ng TESDA, Mr. Federico A. Laxa – Regional Director ng SHFC, Atty. Ferdinand C. Iman – Chief of Operations ng PCUP, Dir. Roland P. Eta – OIC-Regional Director ng DHSUD, at Lourdes B. Eraham – Presidente ng Confederation of Zamboanga City Homeowners Association Inc.
Ayon sa PCUP, ang inclusive growth at pantay-pantay ay ang pagbibigay kapasidad sa pamamagitan ng pakikipag-ugnayan ng mga ahensya ng gobyerno at iba pang mga stakeholder upang mapalakas ang kapasidad ng mga urban poor communities at mga Socialized Housing Homeowners Associations.
Saklaw din ng nasabing kasunduan ang mga proyektong magbibigay ng livelihood programs, skills training sa ilalim ng TESDA, abot-kayang pabahay mula sa SHFC, at mga inisyatibang pabahay at urban development mula sa DHSUD.
“Ang pagtutulungan ng mga ahensyang ito ay isang mahalagang hakbang upang matiyak na nararamdaman ng mga urban poor ang tunay na serbisyo ng pamahalaan. Layunin nating bigyan sila ng mga oportunidad para sa mas magandang kinabukasan,” ang pahayag ni Atty. Iman ng PCUP.
Nagpa-abot naman ng kanyang suporta at pasasalamat si PCUP Chairperson & CEO, Meynardo A. Sabili sa mga ahensyang walang sawang nakikibahagi at sumusuporta sa layunin ng Komisyon na iangat ang antas ng pamumuhay ng bawat maralitang Pilipino sa buong bansa.