SINAMPAHAN ng panibagong graft complaint si Pasig City Mayor Vico Sotto sa Office of the Ombudsman kaugnay sa reklamong undistributed cash allowance na ipapamahagi sana sa mga empleyado nitong nakaraang “Araw ng Pasig.”
Ito ang ikalawang reklamo laban kay Sotto simula nang maupo ito bilang alkalde ng Pasig City noong 2019.
Nitong Agosto 7 lamang, isinampa ang naunang kaso laban sa alkalde kaugnay sa pagbibigay umano nito ng 100% tax discount sa isang telecommunications provider na kapuwa namang pinabulaanan kapuwa ni Sotto at ng Converge ICT.
Sa nasabing panibagong reklamo, nilabag umano ni Sotto ang Government Procurement Act o ang Undistributed Cash Allowance para sa mga Pasig city hall employees.
Sa isumiteng 28-page complaint ng isang residente ng Pasig na nagngangalang Michelle Prudencio noong July 30, 2024, inakusahan nito ang alkalde kasama sina Elvira Flores, Human Resources Development Head; Atty. Jeronimo Manzanero, City Administrator at si Atty. Josephine Lati-Bagaoisan, Bids and Awards Committee head, na bigo umanong ipamahagi ang cash allowance na one thousand five hundred pesos sa mga empleyado kasabay sana sa pagdiriwang nang ika-451 Araw ng Pasig noong Hulyo 2, 2024.
Ayon pa sa reklamo, imbes na cash allowance, commemorative t-shirts umano ang natanggap nila at na ito ay walang proper procurement process.
Ang reklamo ay nag-ugat sa inilabas na Executive Order (EO) ni Mayor Vico noong Hunyo 27, kung saan ang nasabing grant ay gagamitin upang makabili ng commemorative t-shirts para sa pagdiriwang ng Araw ng Pasig 2024.
Nakasaad rin sa nabanggit na EO na ang mga empleyado ng Pasig City Hall ay mayroong alam sa schedules date ng release at distribution ng mga t-shirts—Hunyo 28 at 29.
Ngunit nang dumating na ang ng unang araw ng distribusyon, t-shirts lamang aniya at walang cash allowance na kasama ang ipinamahagi sa kanila.
“Sa halip na cash allowances, ang mga empleyado ay nakakuha lamang ng mga t-shirts sa itinakdang schedule ng distribusyon at sapilitang gumawa ng acknowledgement receipts upang palabasin na nakatanggap sila ng cash allowances,” pagsisiwalat ng complainant.
Inakusahan din ni Prudencio ang BAC na wala umanong naganap na competitive bidding para sa pagbili ng mga t-shirts na nagkakahalaga ng ₱17.2-M.
“Walang kahit anong advertisement o posting ng bid invitation para sa pagkuha ng ‘Araw ng Pasig’ t-shirts. Ito ay lantarang pagbabalewala sa legal requirement ng procurement process na nangangahulugan lamang na ito ay gross negligence sa bahagi ng mga akusado o intentional circumvention of established rules,” dagdag pa ng complainant.
Sinubukang hingan ng reaksyon ng BRABO News ang opisina ni Sotto at ito ang kanilang tugon: “Anyone can file a complaint. we will wait for the official copy of the complaint before we can comment.”