INILUNSAD ni dating senador Gregorio “Gringo” Honasan ang bagong partido pulitikal ng kaniyang grupo na karamihan ay nagmula sa Reform the Armed Forces Movemenr (RAM) at Partido Magdalo, sa makasaysayang Club Filipino sa San Juan City ngayong hapon.
Sa nasabing paglulunsad, inihalal bilang chairman ng partido si Honasan, Assistant Secretary James Layug ng Department of Agriculture bilang pangulo at secretary general naman si dating Quezon City at Anakalusugan Party-list Congressman Mike Defensor.
Dumalo rin sa nasabing okasyon si Willie Buyson Villarama na dating congressman ng Bulacan.
Binigyang-diin ni Layug na mayroon tayong mayaman na likas-yaman, malawak na arkipelago at may malaking populasyon ngunit bakit patuloy na nakakaranas ng kahirapan ang bansa.
Ayon pa sa dating namuno sa Oakwood Muntiny, kaya nila itinatag ang Reform Party dahil may pag-asa pa ang Pilipinas at isa aniya ito sa mga babaguhin nila na uri ng pulitika sa bansa.
Sinabi naman ni Honasan na mahalagang usapin sa bansa ang may kaugnayan sa kahirapan kung saan mukha aniyang hindi epektibo o walang bisa ang bawat halalan.
Tunguhin ng Reform Party, ayon pa kay Honasan, na baguhin ang pananaw ng pulitika, isang pulitika na nakasalig sa idealismo at reporma, na itinatakwil ang armadong pakikibaka at sa halip ay partidong nakabatay sa pagkakaisa at pagmamahalan.
“Ang akala natin ay kayang lutasin ng bawat halalan ang pangunahin nating mga problema sa ating bansa katulad ng kahirapan. Ngunit ano ang halaga ng buhay kung hindi ka maligaya?” dagdag pa ng dating senador.
Samantala, idinagdag pa ni Honasan na mataas aniya ang posibilidad na babalik siya sa senado sa ilalim ng kanilang bagong tatag na partido pulitikal Reform Party.
Posible rin ani Honasan na dadalhin ng kanilang partido sina dating senador Panfilo “Ping” Lacson at dating senate president Vicente “Tito” Sotto.