SUMUKO na sa mga otoridad ang tinaguriang most wanted sa Samar matapos ang walang humpay na pagtugis sa kaniya ng pinagsanib na puwersa ng mga alagad ng batas.
Ito ang tinuran ni Secretary Benhur Abalos ng Department of the Interior and Local Government (DILG) sa isang press conference na ginanap sa Catarman, Northern Samar kaninang umaga.
Sa nasabing press conference, sinabi ni Abalos na sumuko si Jimmy Managaysay Elbano alyas “Bruno” sa Calbayog City Police Office Linggo ng umaga.
Si Elbano ay nahaharap sa six counts sa kasong pagpatay at iba pang criminal charges, ayon pa kay Abalos.
Ayon sa Kalihim, ang nasabing pagsuko ay bunga na rin ng maayos na koordinasyon sa pagitan ng Philippine National Police (PNP), Philippine Army (PA) at local government units sa lalawigan na nagresulta sa kusang pagsuko ni “Bruno.”
“Binibigyan ko ng komendasyon ang PNP, PA, at mga LGUs dahil sa pagsuko na ito ng salarin na most wanted person sa Region 8. Malaking bagay po ito para sa katahimikan dito sa rehiyon,” ang sabi ni Abalos.
Sinabi naman ni PBGen. Reynaldo Pawid, ang hepe ng PNP Region 8, na ang 36-anyos na si Elbano, na isang magsasaka sa Purok 3, Brgy. Villahermosa sa Calbayog City ay tinarget ng pinagsanib na puwersa ng Region 8 Peace and Order Council, PNP at AFP mula pa noong huling bahagi ng 2023.
Maliban sa nasabing walang humpay na pagtugis, nakatulong din aniya ang pakiusap ng kaniyang mga anak na sumuko na sa mga otoridad.
Ang suspek ay may patong sa ulo na ₱165,000 sa kasong six counts ng murder, four counts ng frustrated murder, two counts ng robbery with homicide at direct assault with multiple attempted murder at nasa kustodiya na ngayon ng PNP Region 8.