IKAKASA pa ngayong taon ng Presidential Commission for the Urban Poor (PCUP) ang pagpapalawig sa kanilang outreach initiatives sa ilan pang rehiyon sa bansa kabilang na ang mga lalawigan ng Surigao del Sur, Negros Occidental, Bohol, Rizal, Zamboanga, at Pangasinan.
Ang sikat na ‘Serbisyo Caravan’ ng PCUP ay magsisimulang muli ngayong Abril hanggang bago matapos ang taong 2024.
Ang inisyatiba na tinawag na “PCUP Bayanihan para sa Bawat Maralita (PBBM) Caravan—Tuloy-tuloy na Serbisyo para sa Maralitang Pilipino,” ay may layong palakasin ang pakikilahok sa mga komunidad ng mga maralitang tagalungsod.
Mula nang simulan ang programang ito, naging pamilyar na ang mga nakinabang mula Luzon, Visayas, at Mindanao dahil ang isa pang layunin ng ahensya ay na itaas ang kamalayan ng mga ito sa mga programa at serbisyo ng Komisyon.
Ang mga caravan na ito ay magpapatibay sa tagumpay ng mga nakaraang inisyatiba, na epektibong nagdala ng mga mahahalagang serbisyo sa mga residente, lalo na sa antas ng malalayong barangay.
Makakapag-akses ang mga benepisyaryo ng mga serbisyo mula sa iba’t ibang ahensya ng gobyerno, kasama ang Department of Labor and Employment (DOLE), Department of Trade and Industry (DTI), Department of Health (DOH) at Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO).
Kasama rin dito ang Technical Education and Skills Development Authority (TESDA), Land Transportation Office (LTO), Philippine Statistics Authority (PSA), National Bureau of Investigation (NBI), Social Security System (SSS), at iba pa.
Tiniyak ni PCUP Chairperson at Chief Executive Officer, Undersecretary Elpidio R. Jordan Jr. ang pangako ng Komisyon sa pagbibigay ng mga pangunahing serbisyo sa grassroots level sa pamamagitan ng mga outreach program ay alinsunod sa misyon nito na mapabuti ang buhay ng mga komunidad ng maralitang tagalungsod.