ARESTADO ang magkapatid na babaeng fixer matapos ang isinagawang entrapment operations ng pinagsanib na puwersa ng Land Transportation Office (LTO), Quezon City Police District (QCPD) at ng Special Project Group ng Department of the Interior and Local Government (DILG), kahapon, sa Brgy. Pinayahan, Quezon City.
Pinapurihan ni LTO chief Assistant Secretary Atty. Vigor Mendoza II ang mga operatiba at sinabing ang nasabing operasyon ay patunay lamang na siniseryoso ng ahensya ang labag sa batas na gawaing ito.
Sinabi pa ni Mendoza na ang pagkakahuli sa magkapatid na fixer ay alinsunod sa utos ni Department of Transportation (DOTr) Secretary Jaime Bautista na wakasan na ang mga iligal na gawain tulad nito.
Kinilala ang magkapatid na babae na sina Teresita dela Cruz, 58 at Kathleen Joy dela Cruz, na kapuwa nakatira sa Tondo, Manila.
Nag-ugat ang lahat matapos magreklamo ang isang 26-anyos na lalaki dahil hindi umano naipalabas ng magkapatid ang kanyang driver’s license sa kabila ng ₱5,800 na ibinayad nito noong Marso 8.
Nagduda na umano ang biktima at humingi ng tulong sa mga pulis dahil nanghihingi pa ang magkapatid ng karagdagang bayad na ₱1,350.
Kaagad na nagsagawa ng entrapment operations ang Intelligence and Investigation Division ng LTO sa pangunguna ng director nito na si Renante Militante, mga operatiba mula sa QCPD Station 10 sa pangunguna ni Police LtCol. Bob Amoranto at Police LtCol. Rolan Kingat hepe ng Office of the Internal Security-Special Project Group ng DILG sa ilalim ng Office of Secretary Benjamin ‘Benhur’ Abalos, Jr.
Batay sa imbestigasyon, natukso umano ang biktima na makipagtransaksyon sa mga suspek dahil sa malakas umano ang koneksyon ng dalawa sa loob ng LTO Central Office.
Nagbabala naman si Mendoza sa publiko at hinikayat na huwag patulan ang mga ipinapangako ng mga fixer at online scammers.
“Muli nating pinaaalalahanan ang publiko na mabilis na ngayon makipagtransaksyon sa LTO kaya huwag na tayong magpa-loko sa mga matatamis na salita ng mga fixer na ito. ‘Walang maloloko kung walang magpapaloko,’” ang pahayag ni Mendoza.
Dagdag pa ng LTO chief: “Maging babala na rin ito sa lahat na seryoso ang aming ahensya na kalusin ang mga fixers at scammers na isinasangkalan ang aming opisina.”
Nagbigay naman ng instruksyon si Mendoza sa lahat ng LTO Regional Directors na huwag tumigil sa kampanya laban sa mga fixers sa kani-kanilang mga nasasakupan at palakasin ang info drive sa publiko na umiwas sa mga fixer at online scammer.
Ang mga suspek ay kasalukuyang nasa kustodiya ng QCPD Station 10 sa Kamuning at nahaharap sa kasong kriminal kabilang na ang estafa.