Huhulihin na, may multa pa ang mga papasadang e-bikes, e-trikes, tricycles, pedicabs, pushcarts, at kuliglig sa mga national roads, circumferential roads, at radial roads na kung saan magsisimula na sa April 15 ang pagbabawal sa Metro Manila.
Ito ay matapos maaprubahan ang napagkasunduang petsa na sa April 15 ang simula ng pagpapatupad ng paghuli at pagmumulta ng mga pasaway na tsuper at operator ng mga e-bikes/trikes na dumaan sa national highways sa Kalakhang Maynila.
Papatawan ng P2,500 na multa ang lalabag sa regulasyon na kapwa aprubado ng Metro Manila Council (MMC) at Metropolitan Manila Development Authority (MMDA).
Ayon kay MMC president at San Juan City Mayor Francis Zamora, na titiyakin ng mga local chief executive ng NCR na ang mga ordinansang ipapasa kaugnay ng regulasyon ay magkakaisa para maiwasan ang kalituhan at ang bawat LGU ay mayroong kanya-kanyang ordinansa para sa secondary at inner roads sa kanilang nasasakupan.
Aprub na rin ang resolusyon kay MMDA chairman Romando Artes, na kung saan sila ang mangunguna sa pagsaway at paghuli sa mga pasaway.
Kasabay nito ang agarang pag-impound ng sasakyan kapag walang dalang lisensya ang driver nito.
Kabilang sa mga kalyeng bawal ang e-bike, e-trike at iba pa ay ang Recto Avenue; President Quirino Avenue; Araneta Avenue; Epifanio Delos Santos Avenue; Katipunan/CP Garcia; Southeast Metro Manila Expressway; Roxas Boulevard; Taft Avenue; SLEX; Shaw Boulevard; Ortigas Avenue; Magsaysay Blvd./Aurora Blvd.; Quezon Avenue/Commonwealth ave.; A. Bonifacio Ave; Rizal Ave; Del Pan/Marcos Highway/Mc-Arthur Highway; Elliptical Road; Mindanao Avenue; at Marcos Highway.
“We will just enforce this prohibition because of the increasing number of accidents involving e-bikes, e-trikes, and e-scooters. We will not wait for these figures to go higher and the situation to worsen,” ayon kay MMDA chief.