BUKAS sa anumang usapan ang traffic regulatory offices ng dalawang local government unit (LGU) sa lalawigan ng Rizal kaugnay sa paggamit ng electric tricycle (e-trike) at electric bicycle (e-bike) sa mga kalsada ng Cainta at Taytay.
Ayon kay Eduardo Pio, deputy chief for operation ng Smile Traffic Action Group (STAG) ng bayan ng Taytay, hindi na maikakaila na dumadami na ang gumagamit ng e-bike at e-trike hindi lamang sa Metro Manila kundi gayon din sa mga nabanggit na bayan.
Nakiusap pa si Pio sa mga gumagamit ng e-bike na hangga’t maaari ay sa inner lane lang ang mga ito upang hindi takaw aksidente at malaking tulong sa pagpapanatili ng maayos na trapiko.
“Hangga’t maaari ay sa inner lane lang sila o inner portion [ng kalsada] dahil minsan ay may mapapanood tayo na trending na sila sa social media kung saan binubusinahan na sila hindi para paalisin sa kalsada kundi para tumabi lang,” ang pahayag ni Pio sa ginanap na Rizal Media Forum sa Eagle’s Food Hub sa Taytay, Rizal na inorganisa ni Kuyang Knots Alforte ng PaMaMariSan-Rizal Press Corps.
Idinagdag pa ng STAG deputy chief na minsan aniya ay nagagalit pa ang mga may-ari ng e-bike na para bang kinakawawa sila pero ang totoo sila pa aniya ang galit kapag pinapaalalahanan ng mga lisensyadong driver.
“Iniiwas lang po natin sila [sa aksidente] sa kalsada dahil nakakasabay nila ang mga jeep, tricycle, truck at iba pang sasakyan. Minsan kasi buong pamilya pa sila o kaya mga estudyante kaya nakaka-alarma ito lalo na pagdating sa kaligtasan nila,” susog pa ni Pio.
Sinabi naman ni Roty Borer, hepe ng Cainta Tricycle Regulatory Unit (CTRU) na mayroon ng isang grupo ng mga e-trike driver na binigyan ng pahintulot ng lokal na pamahalaan na bumiyahe tulad ng nakasanayang mga Tricycle Operator and Drivers Association (TODA).
“Sa amin pong lugar, out of 45 TODA sa Cainta mayroong naaprubahan ng dating humahawak ng CTRU at sila ay pinayagang bumiyahe sa area ng Midtwon. Nakita ko po [nang ako na ang huwak ngayon] na hindi talaga advisable na pambiyahe ang e-trike dahil una ang mga signal light nila, pangalawa ang maintenance [at mga spare parts] ay mahirap [hanapin at] bilhin hindi tulad ng mga tricycle,” pahayag ni Borer.
Giit pa ng CTRU chief na napakamahal ng baterya ng mga e-trike at kulang pa sa kinikita nila ang pambili ng battery.
“Itong Midtown kasi, ang dating naririyan sa loob na bumibiyahe ay mga padyak o trisikad at [nang dakong huli ay] kinonvert sa e-trike at batay sa ating karanasan hindi talaga advisable na pambiyahe,” dagdag pa ni Borer
Ayon pa sa hepe ng CTRU, kapag aprubado na ng nasyunal, dapat aniyang magkaroon ng lokal na polisiya na hanggang tatlong taon lamang ang e-trike at kailangan ng palitan nang sa gayon ay mapanatili ang kaligtasan ng mga mananakay.
Noong nakaraang taon, 8 vehicular accident na kinasasangkutan ng e-bike at e-trike ang naitala ng STAG kung saan malubha ang isang insidente dahil kinailangang dalhin sa orthopedic hospital ang biktima at ang 7 iba pa ay damage to property lamang.