KULUNGAN ang bagsak ng apat na lalaki matapos mahuling nagsusugal ng cara y cruz sa kalsada at nang kapkapan ay nakitaan naman ng halos kalahating milyon na halaga o P650-K ng shabu, Lunes ng madaling araw sa Taytay, Rizal.
Sa report na nakalap mula sa tanggapan ni Rizal Provincial Police Office (RPPO) Director PCol. Felipe Maraggun, dalawang magkahiwalay na operasyon ang isinagawa ng mga tauhan ng Taytay Municipal Police Station laban sa illegal gambling na kung saan nakasabat sila ng nasa P650,000 halaga ng iligal na droga sa Brgy. Sta. Ana, Taytay, Rizal Lunes ng madaling araw.
Sa report ng Taytay Police, unang naaresto si alyas “Roy”, 28-anyos, na matagal nang minamanmanan ng pulisya at ang kasamang si alyas “Pidick”, 28-anyos, driver at residente ng Taytay, Rizal.
Dinampot ang dalawa matapos sitahin sa paglalaro ng cara y cruz at nang kapkapan ay nakita kay Roy ang isang plastic na may limang pakete na naglalaman ng shabu na may timbang na 60 gramo sa halagang P480.000.
Samantala, dalawa naman ang naaktuhang naglalaro ng “cara y cruz” sa parehong barangay at nakuhaan ng iligal na droga. Isang High Value Individual (HVI) na si alyas “Jeff”, 27-anyos, mekaniko at alyas “Emong”, 39-anyos, karpintero at residente ng Taytay.
Kinapkapan ang dalawa at nakuha mula sa pag-aari ni Jeff ang apat na pakete ng shabu na may humigit kumulang 25 gramo ang timbang na nagkakahalaga ng P170, 000.
Kasaluluyang nakakulong sa Taytay Custodial Facility ang apat na suspek at sinampahan ng kasong paglabag sa PD 1602 at RA 9165.