OO at HINDI. Ito ang sagot kung isasapribado na ang Ninoy Aquino International Airport o NAIA.
Oo, isasapribado na, pero ang operasyon lamang at maintenance ang sakop nito. Hindi, dahil mananatili pa ring pag-aari ng pamahalaan ang NAIA.
Ayon kay Transportation Sec. Jaime Bautista nitong Biyernes, ang SMC-SAP & Co. Consortium ang nanalong bidder para sa rehabilitasyon ng airport.
Nagwagi ito sa PHP170.6 billion bidding, sa ilalim ng public-private partnership (PPP) dahil sa pag-alok ng pinakamalaking share na mapupunta sa gobyerno na 82.16 percent. Wala pang kalahati ang halagang inialok ng dalawang natalong bidders.
Ang consortium ay kinabibilangan ng San Miguel Holdings Corp., RMM Asian Logistics, Inc., RLW Aviation Development, Inc. at Incheon International Airport Corporation.
“The privatization of the operations and maintenance of NAIA was conceptualized as early as 30 years ago [under then President Fidel Ramos]… Unfortunately, it ended up in court and in early 2000, it was taken over by government. So 30 years in the making, now we will be able to privatize [its] operations and maintenance,” ayon pa kay Bautista.
Kapag natapos na ang rehabilitasyon ng NAIA, madaragdagan ang kapasidad nito mula sa 32 milyon at magiging 60 milyong pasahero bawat taon.
Ang pagsasapribado ng operasyon at maintenance ng airport ay magsisimula sa Hulyo 2024.