NAPAPAKO ang pangako.
Ito ay karaniwan na sa maraming pulitiko, dahil napapako lamang ang kanilang pangako kapag nakaupo na sila.
Ito’y kabaliktaran kay Pasig City Mayor Vico Sotto, dahil palagi niyang tinutupad ang kanyang mga pangako.
Matatandaan na noong nakaraang taon, pinangako ni Sotto na ipasasara ang lahat ng establisimyento ng POGO, E-games, at E-Bingo sa lungsod, dahil mas masama ang epekto ng ganitong sugal sa mga Pasigueños kaysa kakarampot na buwis na ibinabayad sa pamahalaang lungsod.
Nitong Peb. 9, inutusan ng mayor ang Pasig Bureau of Permit and Licensing Division na ipatupad ang closure order, sa pakikipagtulungan ng pulisya ng lungsod.
“To be fair to these businesses, we gave them one year, 2023, to wind up their operations pursuant to Ordinance 55 s. 2022,” ani Sotto.
Sa unang termino pa lamang ni Sotto, ipinasara kaagad niya ang ilang POGO companies, kabilang ang isang nakarehistro bilang BPO o business process outsourcing company, na sinalakay ng mga elemento ng NBI noong 2022 at isinara.
“As for the E-Games/E-Bingos, their permits expired last December 31, 2023,” ayon pa sa alkalde.
Nagbigay pa ang city government sa mga nabanggit na negosyo na kusa nang magsara, pero matapos ang isang buwang palugit, 18 pa rin sa kanila ang sumalungat sa utos, kahit walang business permits. Pero nanaig pa rin ang utos ng alkalde.
Sa isang TV interview, sinabi ni Sotto na medyo nahirapan sila na tuluyang ipatupad ang utos dahil nag-file ang PAGCOR sa korte ng injunction para mapigil ang pagsasara, kahit ongoing pa rin ang kaso, hindi natinag ang mayor kaya ipinasara niya ang mga ito.