SINABI ni Speaker Ferdinand Martin Romualdez na dapat kasali sa serbisyo ng PhilHealth ang critical diagnostic exams para maiwasan ang cervical cancer at iba pang nakamamatay na sakit.
Nais niyang sagutin ng PhilHealth o Philippine Health Insurance Corporation ang laboratory procedures kagaya ng mammography para sa breast cancer, X- ray para sa lung cancer, ultra sound, at human papillomavirus (HPV) vaccine upang maprotektahan ang mga babae laban sa cervical cancer.
Nais ng Speaker na dagdagan ng 50 percent ang sasagutin ng PhilHealth sa bill ng pasyente sa ospital at gawing libre ang laboratory exams para kaagad na matukoy ang mapanganib na sakit gaya ng kanser.
Ipinarerepaso rin ni Romualdez sa House Committee on Health ang charter ng ahensya para mapahusay ang serbisyo nito.
Idiniin ni Romualdez na dapat makatugon nang husto ang PhilHealth sa universal health care ng bansa.
Sinabi ng isang observer na dapat may managot sa milyones na pondo ng PhilHealth na diumano’y kinurakot ng ilang opisyal ng gobyerno, dahil isa ito sa mga dahilan kung bakit patuloy pa ring mababa ang halaga ng benepisyo sa ahensya.