NASAKOTE ng Pasig City Police katuwang ang Pasig City Anti-Drug Abuse Office (PCADAO) ang dalawa lalaki na kabilang sa listahan ng high value individual matapos ma-trap sa isinagawang buy bust operation, Martes ng umaga sa Barangay Pinagbuhatan.
Sa report mula sa tanggapan ni Pasig City Chief PCol. Celerino Sacro, inaresto ang dalawang tulak na sina alyas “Uma”, 18-anyos, elementary graduate, residente ng Brgy. Pinagbuhatan, Pasig City at alyas “Aljo”, 31-anyos, construction worker, ng Brgy. Bambang, Pasig City.
Inaresto ang dalawa matapos ang pakikipagtransaksyon ng tauhan ng PCADAO bandang 6:05 Martes ng umaga sa kahabaan ng Caliwag Street, Brgy. Pinagbuhatan nang makumpirma sa ginawang surveillances at proper coordination ng mga tauhan ng ,Station Drug Enforcement Unit at Pinagbuhatan Police Sub-Station (SS5).
Nakumpiska ang walong piraso ng heat-sealed transparent plastic sachet na naglalaman ng shabu mula kay Uma at dalawang transparent plastic sachet ng shabu kay Aljo at sa pinagsamang timbang na 55 gramo na nagkakahalaga ng P374,000.00 at buy-bust money na tatlong P100 at walong pekeng 1,000.
Dinala ang mga ebidensya sa EPD-Forensic Unit, Mandaluyong City para sa drug test at laboratory examination.
Kinasuhan ng paglabag sa Sections 5 and 11 Article II ng R.A. No. 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 ang dalawang suspek.
Samantala, pinarangalan ni Col. Sacro ang patuloy na pagkilos ng Pasig Elite personnel at Pasig City Anti-Drug Abuse Office laban sa pagsugpo sa illegal na droga.