Tatlong karagdagang Valenzuela City Academic Center for Excellence (ValACE) ang nakatakdang itayo sa Brgy., Gen. T. de Leon, Marulas at Mapulang Lupa.
Layon nitong mas mailapit at madaling mapuntahan ng mga mag-aaral, at para na rin sa hangaring maging ‘Reading City.’
Ang naturang proyekto ay tugon din sa lumalaking pangangailangan ng lungsod upang matugunan ang kakulangan ng mga pampublikong pasilidad sa pag-aaral.
Binubuo ito ng isang mini library, study hall na may mga self-study cubicle, communal review lounge, computer laboratory, 50-seating capacity training room, 80-100 pax capacity multi -purpose hall, cafeteria, administrative office, at parking area.
Pinangunahan mismo ni Valenzuela City Mayor Weslie “Wes” Gatchalian ang groundbreaking at capsule-laying ceremonies para sa tatlong karagdagang ValACE, at binigyang-diin ang kahalagahan ng mga proyektong ito para sa mga mag-aaral sa lungsod.
“Ang pangarap po natin dito sa Valenzuela ay ang maging ‘Reading City’; kung saan (makapagbubuo) tayo ng mga ‘literate communities’ (sa) bawat barangay; at kung saan maibababa po natin ang culture of studying and reading again.” ayon sa alkalde.
Una nang kinilala ang city library para sa Gawad Pampublikong Aklatan (Most Inclusive and Innovative Programs) ng National Library of the Philippines.
Samantala, ayon sa lokal na pamahalaan, ang kahalintulad na pasilidad sa Barangay Malinta ay bukas sa publiko mula Lunes hanggang Linggo, alas-9:00 hanggang alas-12:00 ng hatinggabi.