NASA 46 katao ang naaresto ng Rizal Provincial Police Office (RPPO) sa magdamagang operasyon ng Simultaneous Anti-Criminality and Law Enforcement Operations (SACLEO) kontra kriminalidad sa 13 munisipalidad at isang siyudad ng Rizal Province.
Sinabi ni PCol. Felipe Maraggun, RPPO Provincial Director na ang kapulisan ng Rizal ay nagsagawa ng iba’t ibang operasyon para paigtingin ang kampanya laban sa iligal na droga, loose firearms, wanted persons, illegal gambling at kriminalidad.
Sa kampanya laban sa iligal na droga, sa pitong operasyon na isinagawa, ang Rizal PNP ay nakahuli ng 10 katao sa kasong paglabag sa illegal na droga.
Nakumpiska ang nasa humigit kumulang 14.97 gramo ng shabu na may halagang tinatayang aabot sa ₱101,796.00.
Nasa 13 katao naman ang nasakote sa isinagawang Manhunt Operation laban sa mga Wanted Persons kabilang ang isang Rank 6 MWP Regional Level at dalawang listed MWP City Level habang nasa 10 indibidwal naman ang naaresto para sa Other Wanted Persons.
Hindi din isinasantabi ng mga kapulisan ang panghuhuli sa mga lumalabag sa iligal na sugal at sa magdamagang police operation ng Rizal PNP ay nakahuli sila ng 23 personalidad sa isinagawang pitong operasyon na kung saan nasa ₱2,108 bet money ang nakuha.
Kasalukuyang nakakulong ang mga naarestong suspek sa himpilan ng bawat lugar na nakakasakop sa kanilang pagkakahuli habang inihahanda ang dokumentasyon sa mga reklamong kanilang kakaharapin.