GOOD NEWS sa dating OFWs sa Saudi!
Ipinahayag ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. nitong Pebrero 6 na nangako ang
Pamahalaan ng Saudi Arabia na babayaran na ang overseas Filipino workers (OFWs) na
nawalan ng trabaho noong 2015 at 2016.
Mahigit 10,000 OFWs na nawalan ng trabaho sa Saudi Arabia ang makatatanggap ng
kabuuang ₱868,740,544. Sa halagang ito, tinatayang ₱700 milyon na ang credited sa
Land Bank of the Philippines, matapos matanggap ang clearance sa Alinma Bank na
nagproseso ng bayad sa back wages.
“Nais ko lang balitaan ang ating mga OFW na galing sa Saudi na patuloy na ang
pagbabayad ng insurance ng Saudi Arabia sa mga empleyado ng mga kompanyang
nabangkarote na nag-file ng claim sa insurance,” anang Pangulo.
“We are already coming to the point na ‘yung detalye na lang ang pinag-uusapan. ‘Yung
listahan ng mga claimant ay nalinis na, maayos na, and we are just waiting for the details
to be worked out between the Saudi side,” dagdag pa ni Marcos.
Nilinaw pa ng Pangulo na, “Itutuloy talaga nila ‘yung pagbayad doon sa insurance claims
ng mga nagtatrabaho sa mga negosyo na nalugi noong nagsara noong Covid. So…
matatapos natin ‘yan.”
Hindi pa raw masabi ng Pangulo ang eksaktong petsa ng release. Depende raw ito sa
proseso ng Saudi Arabian government.
Matatandaang nag-commit si Saudi Crown Prince Mohammed bin Salman Al Saud
noong nakaraang taon – sa isang bilateral meeting kay Marcos sa APEC Summit sa
Bangkok —na magbabayad sila ng 2 Billion Riyals para sa OFWs na naapektuhan nang
pagsasara ng mga kompanya sa kaniyang bansa.