NABABAHALA si Sen. Risa Hontiveros sa panukalang magpapasok ng third party sa pagtatayo ng transmission projects sa sektor ng enerhiya.
Ang panukala ay kwestyonable dahil iilan lang daw ang makikinabang dito.
Ito ang naging pahayag ni Hontiveros matapos atasan ng Pangulo ang Department of Energy (DoE) at Energy Regulatory Commission (ERC) na pag-aralan ang posibilidad ng third-party involvement para mapabilis ang naantalang transmission projects.
“Previous Senate investigations found no compelling reasons for third-party involvement… Kung hirap ang ERC at DoE ngayon na i-regulate o pasunurin ang National Grid Corporation of the Philippines, mas gagaan at huhusay kaya ang sistema kung bubuksan ito sa third parties?” ani Hontiveros.
Iginiit pa niya na maaari lamang mapaboran ang ilang grupo, na maaaring may koneksyon sa Maharlika Fund, kung magpapapasok ng third parties.
“In fact, the call for third-party developers is painful evidence of the failed privatization of the transmission sector and the NGCP experiment,” dagdag pa niya.
Ayon sa NGCP, naaantala ang transmission projects dahil sa masalimuot na proseso sa pagkuha ng right-of-way at permits.
Gayunpaman, ayon kay Hontiveros na sa kabila ng pagkakaroon ng eminent domain rights ng NGCP, nagsisimula lang sila sa pagkuha ng right-of-way pagkatapos ng regulatory approval.
Dahil dito, huli na nang nalaman na umaalma ang ilang may-ari ng lupain, na siyang nagdudulot ng pagkaantala.
Binigyang-diin ni Hontiveros na mas may kapasidad ang gobyerno para makuha ang right-of-way, maglaan ng pondo para sa property ownership, at unahin ang kapakanan ng publiko na nakaangkla sa public accountability.