SA PASIMULA pa lamang, maling-mali na.
Ganito ang pananaw ni Senador Grace Poe sa PI o People’s Initiative dahil sa pasimula
pa lang, nais ng Kamara na magkasabay ang pagboto nito sa Senado, sa halip na ilatag
muna ang mga probisyon na nangangailangan ng pag-amyenda sa 1987 Constitution.
“It is inherently wrong. Maling-mali ang sinasabi sa tinatawag nilang People’s Initiative
kasi method na ang pinag-uusapan, voting jointly, imbes na ‘yung mga probisyon na
kailangang palitan,” mariing sinabi ni Poe.
“Bakit hindi na lang inilagay na: “Sa ating mga kababayan, payag ba kayo na baguhin
natin ang mga probisyon na nakatutok sa ekonomiya?” Kaso ang pinapapirmahan sa
mga tao ay ‘yung tungkol sa Congress voting jointly. So, malinaw na malinaw na meron
silang ibang pakay dito,” ayon pa kay Poe.
Matatandaang sinabi kamakailan ni dating Supreme Court Justice Adolfo Azcuna na
hindi amyenda ang isinusulong ng Kamara kundi “Revision” ng Konstitusyon, dahil sa
planong pagpalit ng gobyerno mula sa bicameral tungo sa unicameral. Si Azcuna ay
naging miyembro ng Constitutional Commission na lumikha sa 1987 Constitution.
₱100 Bawat pirma?
Idiniin ni Poe na lalo pa raw sumama ang sitwasyon nang nagkaroon ng testimonya
ang ilang indibidwal na may nagbigay daw ng pera kapalit ng bawat pirma.
“Dahil sa hirap ng buhay ngayon, ang ating mga kababayan ay napipilitan na lang, sige
kahit P100, ganun kamura ang buhay ngayon na sa ganun kaliit na halaga ay
napapirma,” saad ng senadora.
“Kasalanan ba nila ‘yun? Di ba ibig sabihin lang nun marami pa tayong trabahong
dapat gawin at hindi nakatutok sa isyu na sinasabi nilang napakaimportante itong
pinapapirma nila? Hindi ba trabaho, presyo ng bilihin at katatagan ng ating Republika
ang mas mahalaga,” aniya pa.
Nilinaw ni Poe na hindi raw totoo na pagdating sa aspeto ng ekonomiya ay may
kailangang baguhin dahil naipasa na ang mga pangunahing batas tungkol dito.
“Kung meron mang dapat ayusin ay ang pagtutol ng ilan sa PSA [?]. Siguro, pwedeng
magsama ang Kongreso, Senado at mga mamamayan na doon natin resolbahin sa
Supreme Court itong ibang kakulangan sa probisyon ng ekonomiya,” pagtatapos ni
Poe.