Resort owner dismayado sa DENR

0
Baloc-Baloc creek sa Parañaque City (file photo)

DISMAYADO ang negosyanteng si Selwyn Lao, may-ari ng Wing-An Garden Resort, sa ipinatawag na pakikipagpulong ng mga opisyales ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) nitong nakaraang linggo.

“Nadismaya ako sa kung papaano nila isinagawa ang pakikipagpulong at lalo akong nadismaya sa naging kahihinatnan ng miting dahil sa minadali nila ito at walang kaplano-plano at mukhang ‘yon talaga ang kanilang intensyon,” sulat ni Lao kay DENR Secretary Maria Yulo-Loyzaga na may petsang Enero 19 ngayong taon.

Matatandaan na isinisisi ng mga residenteng nakapalibot sa Baloc-Baloc creek, sa resort ng negosyante, ang matinding mga pagbaha sa lugar dulot ng malakas na ulan.

Ngunit iginigiit ni Lao na ang kasalukuyang creek ay isang man-made lamang dahil ang orihinal na Baloc-Baloc creek ay tinambakan umano ng real estate company na pagmamay-ari ng dating Senate President na si Manny Villar.

Idinagdag pa ni Lao na maihahalintulad sa “isang taóng nasayang” ang nangyaring miting dahil aniya sa nag-aalangan ang mga opisyales ng nasabing departamento na harapin ang tunay na dahilan ng problema.

Paulit-ulit nang ikinakatuwiran ng negosyante na ang mga Villar ang dapat kausapin ng DENR at gawan ng solusyon ang umano’y problema na nilikha ng pagtambak ng Camella Homes Classic Subdivision sa nabanggit na creek.

“Ang orihinal na plano at lokasyon ng aking resort na nasa loob ng Multinational Village sa Parañaque City ay napapalibutan ng nasabing creek. Tinambakan ito ng developer at humukay ng panibagong creek at ngayon sa akin nila isinisisi ang mga pagbaha,” giit pa ni Lao.

“Ngayon, sa halip na resolbahin nila ang problema, ako ang kinukumbinsi nila na ipaubaya ko na lang umano ang aking karapatan at makipagkasundo na lamang sa pamamagitan ng pagpapanatili sa kasalukuyang kalagayan (status quo) sa ngalan ng pakikipagkapuwa-tao,” dagdag pa ng negosyante.

Naninindigan si Lao na dahil ang mga Villar ang lumikha ng problema, kaya sila rin ang magresolba.

About Author

Show comments

Exit mobile version