8 sugatan sa karambola ng 5 sasakyan sa Antipolo City

0
323
Photo courtesy: Neil Miranda

SUGATAN ang walo katao na sakay ng isang pampasaherong jeep nang bumangga ito sa isang bus sa Sumulong Highway, Brgy. Mambugan, Antipolo City sa lalawigan ng Rizal kanina dakong alas-5:30 ng umaga.

Ayon kay Antipolo City Office of Public Safety Security Traffic Enforcer Paul Edward Tafales, kabilang ang jeep na minamaneho ni Raymond Sales at may plakang TWB-523, sa apat na sasakyan na nakabanggaan ng T. Anacle tourist bus.

Sinabi pa ni Tapales na ang nasabing bus na minamaneho naman ni Joseph de Pedro ay bumabaybay pababa ng Sumulong Highway patungong Masinag area sa Antipolo City ng makabanggaan ang 5 sasakyan sa tapat ng lumang barangay hall ng Mambugan.

Idinagdag pa ng traffic enforcer na nawalan umano ng preno ang bus kung kaya nakipag-karambola ito sa isang dump truck na may plakang NED 9006 na minamaneho ni Crisanto Ildefonso; isang public utility bus na may plakang NAL 9159 na minamanheo ni Joseph de Pedro; pampasaherong van na minamaneho ni Ramon Melegrito na may plakang NAL 6878 at isa pang van na may plakang TWB na minamaneho naman ni Arnel Miraflor.

BASAHIN  72 katao nalunod sa loob ng mahabang bakasyon

Pinakagrabeng napinsala ang jeep na biyaheng Antipolo-Cubao kung saan 7 sa kaniyang mga pasahero ang nagtamo ng sugat na agad namang isinugod sa pinakamalapit na pagamutan.

Ang mga nasugatang sakay ng jeep ay sina Elain Sendido, Juanito Ibarbia, Mary Anne Martin, Airalyn Correche, Adelaida Salazar, Nimrod Gerez at Remudrado Jacinto na pawang isinugod kaagad sa mga pagamutan.

Kabilang ang driver ng jeep sa sugatan at nagdulot naman ng matinding trapik habang patuloy na iniimbestigahan ng mga otoridad ang nasabing insidente.

Agad namang nagsagawa ng flushing operations ang Bureau of Fire Protection (BFP-Antipolo) upang maalis ang krudo at langis na tumagas mula sa jeep na nabasag ang makina sa lakas ng impact nito.

BASAHIN  Masustansiyang cake ipinamahagi ng Mandaluyong LGU sa mga bata, inang buntis

Napag-alaman na dalawa sa mga pasahero ang nagtamo ng head injury at isa ang nabalian ng braso at ang iba pang natitira ay pananakit ng katawan at dinala sa amang Rodriguez Hospital at Antipolo District Hospital.

With reports from Neil Miranda of DZME and Rambo Labay of DZXL.

About Author