KINUMPIRMA ng Commission on Elections na nakatanggap na sila ng inisyal na kopya ng mga lagda mula sa People’s Initiative para sa Charter Change.
Ayon kay Comelec Chairman George Garcia, hawak na ng poll body ang signature forms para sa People’s Initiative mula sa 400 siyudad at mga bayan sa buong bansa.
Kabilang sa mga lugar na ito ay ang Quezon City, Maynila, Mandaue sa Cebu, Quezon Province, Laguna, at Iloilo.
Sa ngayon ay wala pang pormal na petisyong nakahain sa Comelec laban sa People’s Initiative.
Matatandaan na pagpasok pa lamang ng bagong taon ay naging kontrobersyal na ang isyung ito dahil sa iba’t ibang pagkilos ng mga di-umano’y nagsusulong ng charter change.
Ilan sa mga ito ay ang pagpapapirma sa mga benepisyaro ng mga ibinibabang serbisyo ng pamahalaan na ayon sa mga kontra sa cha-cha ay panlilinlang umano sa mga tao.
Ilang mambabatas naman ang nakapansin nito at agad na naging negatibo ang reaksyon dahil sinasamantala umano ng mga nagsusulong ang kawalang-alam ng mga tao sa isyu.
Sinabi ni Sen. Imee Marcos na mali ang estratihiyang ito ng mga nagsusulong ng pagpapalit ng konstitusyon dahil halatang hindi ito pinag-isipang mabuti.
May mga kongresista naman na agad na umalma dahil mismong sa kani-kanilang distrito ay kumikilos umano ng palihim para isagawa ang pagpapapirma.
Nagsumbong umano ang ilang mga alkalde sa Albay, ayon kay Congressman Edcel Lagman dahil nagugulat na lamang ang mga mayor sa umiikot na mga papel na kailangang pirmahan ng mga tao.
Ang masaklap pa ayon sa mambabatas ay na isinasabay ang pagpapapirma sa mga taong ang tanging hangad lamang ay makatanggap ng serbisyo mula sa gobyerno.