Ilang bahagi ng ₱17-B 2024 budget ng Pasig LGU nakalaan para tugunan ang mga problema sa komunidad

0

ITO ang kinumpirma ni Pasig City Vice Mayor Robert “Dodot” Jaworski Jr., sa ginanap na unang “Talakayan sa Barangay” sa Brgy. San Miguel, na isang proyekto ng Office of the Vice Mayor kasama ang 11th City Council.

Sa naturang talakayan, naipaliwanag ang kahalagahan ng naturang proyekto, kung saan naipapabatid ng mga residente ang kanilang hinaing sa pamahalaan na hindi kayang resolbahin ng barangay.

“Itong talakayan natin sa barangay kasi nung umiikot po kami nung 2022 elections nakita ko na medyo detached ang tao sa ating mga local officials kaya sabi ko tuwing bumababa tayo pag election naririnig natin yun problema ng tao, so bakit hindi natin gawin ito na dapat regular, na kahit nakaupo ka bumababa ka pa rin sa barangay. Ito yung pagkakataon na marinig natin yung mga issue at problema, at pangangailangan ng ating mga kababayan,” ayon sa bise alkalde.

Kabilang sa mga problema na idinulog sa talakayan ay ang suliranin sa pagpapakabit ng linya ng kuryente at tubig, gayundin ang problema sa lupa para sa parking area o terminal ng mga tricycle.

Isinama rin ng LGU ang hepe ng iba’t ibang departamento partikular na ang Legal Department para sa mga usaping legal sa mga lupang matagal ng tinitirhan ng mga residente.

Idiniin ni Atty. Malou Martin na napakahalaga na bumuo muna ng homeowners association ang mga komunidad at iparehistro ito bilang unang hakbang sa pagresolba sa mga problemang pang-komunidad dahil karamihan sa mga ito ay nangangailangan ng legal na mga hakbangin.

Kasama rin ang mga delegasyon mula sa Manila Electric Company (MERALCO) at Manila Water para tulungan ang mga residente na hanggang ngayon ay may problema pa rin sa pagpapakabit ng kuryente at tubig.

Maliban kay Vice Mayor Jaworski, dumalo rin sa Talakayan sa Barangay sina Councilors Corie Raymundo, Angelu De Leon, Maru Martirez, at Syvel Asilo, Buboy Agustin, Ambo Alba, KC Custillas at maging si Chairman Manny Alva ng nasabing barangay.

Samantala, sinabi pa ng bise alkalde na gagawing lingguhan ang “Talakayan sa Barangay.”

About Author

Show comments

Exit mobile version