MARIING pinabulaanan ni dating Pangulong Rodrigo Duterte ang mga kumakalat na
tsismis na nakikipag-meeting daw siya kasama ang ilang opisyal ng militar, pulis, at
mga pulitiko.
Ang mga pagpupulong ay kaugnay diumano ng mga naglalabasang destabilization plot
laban kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr.
Komportable umano si Duterte kay Marcos, kaya walang anomang dahilan para
makisawsaw siya sa sinasabing destabilization plot. Kuntento na rin daw ang dating
Pangulo sa mga nagawa niya para sa bansa sa kanyang termino.
Hindi na raw interesado si Duterte na bumalik sa pulitika. Pero sinabi niya noon na
baka mapilitan siyang tumakbo bilang senador o bise presidente kung mai-impeach
ang kanyang anak na si Vice President Sara.
Samantala, parehong iginiit ng Armed Forces of the Philippines (AFP) at Philippine
National Police (PNP) na walang katotohanan ang mga kumakalat na destabilization
plot laban kay Pangulong Marcos.
“President Marcos is always available to former President Duterte. The President will
contact him now to ask if he wants a meeting,” pahayag ng Presidential
Communications Office.