Pananakot, pagbawi ng prangkisa ng LTFRB, tigilan na – Imee

0

“Tigilan na ng LTFRB at DOTr ‘yang pananakot sa deadline, suspension at pagbawi ng
prangkisa.”


Ito ang mariing sinabi ni Senador Imee Marcos sa Department of Transportation (DOTr) sa
harap nang desisyon nito na huwag bawiin ang “deadly deadline” nito sa Jeepney
modernization program bukas, Disyembre 31.


Nilinaw ni Marcos, na magmula pa noong 2017, hindi na naipatupad nang maayos ang
naturang programa kung kayat dapat magsimula ulit sa talakayan at konsultasyon sa lahat ng stakeholders [hanggang sa makarating sa win-win solution].


Sinabi pa ni Imee na lahat naman ay gustong magkaroon ng brand-new na sasakyan, pero
dahil sa hirap ng buhay at mataas na presyo ng modern jeepney, hindi ito kayang hulugan ng driver, lalo na’t mahigit P2 milyon ang halaga ng bawat yunit.

Bukod sa sobrang taas ng presyo ng modern jeepney, may problema raw ito sa maintenance dahil maski ang TESDA ay umamin na hindi nila kayang ma-repair ang Euro 4 na modern jeepney dahil hanggang Euro 2 pa lamang ang kanilang repair capability.


“Bakit pipilitin ang libo-libong operator at drayber na mag-miyembro ng transport coop, kung ngayon may-ari at maliit na negosyante ang turing sa kanila, dahil sa ilalim ng coop magiging hamak na empleyado na lang ba sila? Kung mangutang ang operator o drayber, gagarantiyahan ba ng coop? Pag nagkabulilyaso ang bayaran, sasagutin ba ng coop ang utang o hihilain din lang ng bangko ang sasakyang inutang? Sa laki ng gagastusin para bumili ng bagong sasakyan, magkano naman ang itataas ng pamasahe?” tanong ni Marcos.

About Author

Show comments

Exit mobile version