MARIING itinanggi ng Traffic and Parking Management Office (TPMO) Chief Volta delos Santos ang malisyosong akusasyon ng di-umano Chinese Businessman na si Selwyn Lao, na siya ay protector ng ipinagbabawal na droga sa Barangay Bambang, Pasig City.
Paliwanag ni Volta, nagsimula umano ang kontrobersiya sa isang tawag na natanggap ng Safe and Security Office ng Pasig na may nagaganap daw na demolisyon sa Brgy. Bambang.
“…may crane… alam ko nakarating sa inyo yan. May ginigibang bahay, may sumisigaw at merong tao, so ako naman rumesponde doon noong sumunod na araw…” saad ni Volta.
Dagdag pa ni Volta na nakatanggap ulit sila ng tawag noong sumunod na araw kaya naging dahilan ito upang upang rumesponde ulit siya kasama na ang kapitan ng Brgy. Bambang na si Kapitan JR Samson at ilang opisyales nito.
Naging mainit umano ang naging diskusyon tungkol sa isyu ng demolisyon. Nilinaw din ni Volta na nagsimula ang isyu sa nagging maling kilos ng kabilang panig.
“Dahil pinag-utos ng president, si Presidente na bawal ang… bawal ang demolisyon sa panahon ng pandemic…” paliwanag pa ni Volta. Ayon sa kanya ay naroon lamang siya dahil sa katungkulan nya sa safety office at maipaliwanag kay Lao na hindi maaaring mag-patuloy demolisyon.
Ngunit ayon kay Volta ay nakatanggap muli sila ng tawag at dito na nagsimulang pumutok ang maling pag-kilos umano ng grupo nina Lao. Nagpadala umano sina Lao ng letter sa Department of Interior and Local Government (DILG) ng Pasig kasama ang ilang litratong kinuhanan nila.
Ayon sa kanya ay binaligtad umano sila nina Lao at sila ang pinapalabas na nagde-demolish sa lugar kasama umano ang mga hinihinalang army. Ngunit ayon kay Volta, ang tinutukoy na army ni Lao ay mga uniformed personnel ng Pasig City.
Bagamat patuloy sa pagsita at pag responde ang lokal na pamahalaan upang aksyunan ang nagaganap na demolisyon, ay patuloy pa rin ang ilang paraan ng grupo nila Lao upang maitawid ang nais nilang demolisyon.
Isa na dito ang isang truck na nakahambalang sa gitna ng Brgy. Bambang na naging dahilan upang magsimula ng malaking traffic sa lungsod. Wala umanong driver ang truck at wala din itong susi kaya naipit ito sa gitna ng kalsada.
Sa lumalaking kaguluhan sa nangyayaring demolisyon ay hindi na mapigilang hindi makialam ng alkalde ng lungsod na si Mayor Vico Sotto.
Ayon kay Volta ay umabot sa dalawang oras mahigit ang mainit na diskusyunan ni Mayor Vico at ni Lao. Dahil nga sa nangyayaring pagpapatigil ng demolisyon kay Lao ay naging dahilan ito upang paratangan umano siya ni Lao na siya ay protector ng iligal na droga.
Paliwanag nito “Kasi bago palang po kami pumunta doon, sinasabi na sa akin ni Kapitan JR at Obet Dela Vega na kagawad na sila ay pinaparatangan na protektor ng droga. So nung pinag-uusapan nila yung droga, hindi ko sila pinapansin kasi iniisip ko baka yung sinasabihan lang naman nila si Kapitan at si Kagawad Obet. So, sabi ko ‘ha?’ wala akong pakiaalam sa usapan nyo na yan.”
Dagdag pa nya na kung hindi pa nya napanood ang video ng interview ni Lao ay hindi niya malalaman na siya pala ang pinaparatangan ni Lao na protektor ng iligal na droga.
Ayon kay Volta na napakahalaga di umano ng pangalan ng kanyang pamilya upang mabahiran ng isyu tungkol sa iligal na droga.
“Kahit dalawang libong tao po ang mag-witness sa akin, kumbaga kung gaano po ako kailinis sa isyu na yan, baka pwede pa po nating isama lahat ng kakilala ko… eh ganito lang po. Lahat po naniniwala ako idaan po natin sa legal…” saad ni Volta, kasabay ng paglilinaw na siya ay nasa gobyerno at naniniwalang lahat ng aksyon ay kailangang i-proseso sa legal na pamamaraan.
Nagbigay rin ito ng mensahe kay Lao patungkol sa naging alitan nito sa kanya at kay Mayor Vico. Dagdag pa nya, “…kayo po, kay certain individual…Kayo po, wala po akong personal na galit, ang galit ko lang po sa inyo ay yung pinaratangan nyo po ako at ang makapag-dedesiyon lang po niyan ay hindi na po tayong dalawa. Meron na pong ibang papasok para i-settle po kung ano po ang nasabi nyo, at nasabi nyo sa buong pamilya ng Delos Santos po…”
Sa ngayon ay hindi direkta at malinaw na sinabi ni Volta kung siya ay magsasampa ng kaso o hindi laban kay Lao.
Ngunit nanawagan di naman ito sa publiko na irespeto ang karapatang pantao ni Lao bagamat nagkaroon ng mainit na diskusyunan ang grupo nito at ang lokal na pamahalaan.