Nagpasalamat si Vice President at Department of Education Secretary Sara Duterte sa lahat ng mga Pilipino na sumuporta at nakiisa sa ipinaglalaban nina Dr. Lorraine Badoy at Jeffrey “Ka Eric” Celiz.
Matatandaang ikinulong ang dalawa noong Disyembre 5 sa House of Representatives detention cells, matapos na manindigan para sa karapatang nang malayang pamamahayag sa bansa sa harap ng isang hearing sa Kongreso.
Sina Dr. Badoy at Ka Eric ay simbolo raw ng isang bansa na naninindigan nang tama at naninindigan para sa tama.
Lumagda rin kamakailan ng isang manifesto ang magigiting na retired Philippine Military Academy alumni at mga dating sundalo ng Armed Forces of the Philippines, na nananawagan para sa agarang pagpapalaya sa dalawa.
Nagsilbing paalala rin ang panawagan ng mga kasundaluhan sa kahalagahan ng kaayusan, integridad, at maayos na pamamalakad ng pamahalaan.
Ayon pa kay VP Sara na may kapangyarihan ang bayang nagkakaisa para sa pagsusulong ng ating karapatan, para sa katarungan, katotohanan, at sa pagtatatag nang mapayapa at matibay na bayan.